BOSS IRONMAN: Triumph of an Underdog part 2/2

Triumph of an underdog part 2

Checkpoint 6 Isabela

Ambilis ko lang kinuha ang Quirino papuntang main highway ng Cordon patungong Cauayan checkpoint. Based sa GPS coordinates, nasa 63 kilometers lang itong pagitan na ito at kasama sa pagpaplano ko ay sa Isabela na ako magpapa gasolina. Umalis ako sa Quirino na 1 bar nalang ang fuel gauge ko pero nanatili akong confident dahil; pinagplanuhan ko ito ng maayos. Kapag nagsimula na mag blink ang digital gauge ko ibig sabihin nito may 4 liters pang natitira or at least 80 kilometers worth of driving, so yakang yaka. Hindi ko inaasahan na pangit pala ang ilang daan papuntang Cauayan akala ko puro smooth highways lang. Merong mga daan na sementado nga pero napakadami namang hiwa hiwa na maliliit at mahahaba na kapag payat ang gulong mo at na shoot ka dito ay maaari kang sumemplang. 160 na yung size ng rear tire ko pero nararamdaman ko pa rin ang pag gewang kaya nakakainis dahil di ako makapagmabilis kung kelan diretso ang daan. Alalay lang, mahaba pa ang laban. Marami ring road repairs na minsan may basta nalang bubulaga sayo na warning sign. Ingat lang Pinoy Rider, 1000 kms pa.

Checkpoint 7 Tuguegarao, Cagayan
From Isabela maganda na ang mga kalye patungong Cagayan at nandito ang pang pitong checkpoint sa Petron Tuguegarao. Medyo kontrolado ko pa ang over-all average speed ko na nasa 68 km/h nalang ngayon kaya dito sa mga straights ako nagtangkang bumawi para tumaas naman ito. Minsan yung speed ko umaabot na ng 130 kph sa mga provincial roads para lang tumaas yung over-all average ko at umabot ito sa 70 kph. Sulyap ako ng sulyap sa GPS ko dahil ito ang nagsisilbing paalala sa akin kung nasa tama pa ba ang pace ko o hindi na. Dahil sa 1300 kilometers yung na-plot ko na route, ibig sabihin nito na hindi dapat bababa sa 54 kph ang over-all speed ko kung gusto ko matawag na Ironman. Naging smooth naman ang byahe kaya pagdating sa Tuguegarao checkpoint, medyo dito na yung pinaka matagal kong paglalagi so far, umabot ata ako ng 15 minutes dito sa pagpapahinga at pagkain ng baon kong Spam. May mga nakilala rin ako ditong followers ng Pinoy Rider kaya’t maraming salamat sa naging mainit niyong pagtanggap sa akin at sa napaka organisadong Tuguegarao checkpoint. Tinanong ko sa marshall na si Jeffrey Jerome Lusong kung ano ang susundan kong daan papuntang checkpoint 8 which is Ilocos Norte. Basta kumaliwa lang daw ako pag nakita ko na ang Magapit Suspension Bridge, at wag akong didiretso dahil papunta na ito sa Aparri. Nasa 80 kilometers pa raw ito pero para sa akin wala na iyon dahil kung tuloy tuloy lang ang pagmaintain ko ng cruising speed ko, wala pang isang oras mararating ko na iyong Magapit. Yun ay kung dire diretso ang biyahe. Kung.

null

Stuck in Cagayan. No raincoat. sucks.

Checkpoint 8 to Laoag

Umulan na sa pagkalagpas palang ng Tuguegarao, hindi ito birong ulan dahil kung kanina sa bandang Isabela ay pabugso bugso lang at may panahon pang sumilong, iba na ngayon dahil dire diretso na. Isa pa palang importanteng bagay ay itong Tuguegarao to Laoag ay ang pinakahamabang stretch sa buong Ironman between 2 checkpoints. 300 kilometers ang layo ng dalawang bayan na ito dahil mula Cagayan, sa Ilocos Norte na ang sunod na checkpoint. Bumuhos na nga ng sobrang lakas na ulan, no choice ako kundi ang tumigil, at i check ng ilang minute kung titila ba ang ulan kaya papakiramdaman ko muna. Almost 15 minutes na ang (unplanned) stop over ko sa gas station bago mag Magapit Suspension Bridge sa Lal-lo, Cagayan kaya naisipan ko na na isoot ang dala ko na raincoat. Yung dala ko ay pang ibabaw lang pero ayos lang dahil naka riding pants naman ako at mas hindi ko matitiis kapag basa ang pang ibabaw ko dahil bukod sa malakas na ulan, malakas din ang hangin na papunta sa direksiyon ko. Mukhang wala namang problema dahil may baon naman akong kapote, at yun ang akala ko. Nung nag fitting ako ng kapote ay sakto naman sa akin kaya binaon ko ito sa Ironman, yun nga lang ang malaking kaibahan ay naka riding jacket nga pala ako ngayon at may nakapatong pang vest. Yung sakto na fit na kapote ay tila mapupunit na ngayon dahil sa kapal ng suot ko. Hindi siya kasya. Sa aking pagkadismaya ay tinapon ko nalang ito dahil wala naman na itong pakinabang sa akin at makakasikip lang sa Givi box ko. I will just charge it to experience. Akala ko well-prepared na ako, hindi pala. Naka sampung unnecessary stop over ata ako from Tuguegarao Checkpoint to Ilocos Norte dahil sa tindi ng lakas ng ulan. May isang stop over pa sa Abulug, Cagayan na dahil sa tindi ng pagkaginaw ay inabot ako ng isang oras sa gas station at nagpalit na rin ng damit na mababasa rin naman. Ang ginaw na sinasabi ko ay yung tipo bang basing basa na ang t shirt ko at mesh jacket tapos pag tumakbo ka ng lalagpas sa 60kph ay bigla nalang manginginig ang dibdib mo dahil sa pinaghalong lakas ng hangin at lamig ng katawan mo. No choice ako at di ko na ata pinalagpas ng 40 kph ang takbo ko. Nakakafrustrate lang dahil halos tatlong oras na ang nasasayang sa mga stop over na hindi ko naman kakailanganin kung tama ang dala kong kapote. Yung average time ko sa GPS speedometer ko ay pababa na ng pababa hanggang sa 60kph nalang. Yung target time ko na 19-20 hours ay wala na sa paningin ko, at ang pinaguusapan nalang ngayon ay kung makakatapos pa ba ako ng Ironman dahil 8 AM na ay nakatambay pa rin ako sa isang gas station at wala naman akong magawa. Isa yun sa mga pagkakataon na kahit may gusto kang gawin, ayaw ka naman payagan ng katawan mo. Itong stretch ng Cagayan dapat ako babawi dahil dito mararaming stretches na maganda ang kalye yun nga lang di na ako makapagmabilis. Ilang taon na rin mula ng magpunta ako dito kaya nabigla ako napakadami palang road repairs at hindi lang basta basta ginagawang kalsada kundi malalambot na lupa na naging putik na. Sana kayanin ng mga gulong ko at hindi ako mag slide, dadahan dahanin ko nalang.
Pagdating sa Bangui, nakita ko na naman yung famous Windmills. 2009 ng una akong magpunta dito at talagang nakakamangha yung dami at laki ng windmills dito, walang sinabi yung sa Pililia. Gusto ko magpapicture nalang pero sayang yung nasimulan ko sa challenge na ito. Sa ngayon iniisip ko kung aabot pa ako o hindi pero sige buti nalang may nakasabay akong grupo na medyo maganda ang pace kaya bubuntot nalang ako sa kanila kahit di ko naman sila kilala. 30 kilometers before mag Laoag checkpoint, sobrang frustrated na talaga ako, halos apat na oras na ang total stop time ko at hindi lang yun. Dahil sa ulan, minsan nasa 30-40 kph nalang ang pace ko sa highway. Baka di na ako umabot nito. May nakita akong restaurant, halos alas onse na ng tanghali kaya naisipan ko na mananghalian nalang at sa Laoag na magpapalipas ng gabi. Goodbye Ironman, pinangarap man kita pero baka di ka lang para sa akin. Umorder ako ng napakalutong na Bagnet and Ilokanong Pinakbet at nagmuni muni sa kapalaran ko na isang taon kong pagdudusahan. Pagkatapos ng halos isang oras na pagkain at pagpapahinga, naisip ko pupunta na ako sa Laoag at maghahanap ng hotel. Ganun ang balak ko pero paglabas ko ng restaurant, nakita ko yung mga inunahan ko sa simula ng Ironman,yung iba dumadating palang at nagmamadali. Hindi lang isa kung hindi dalawa, tatlo, yung iba malaking grupo pa. Madaming riders ang dumaan at isa lang ang ibig sabihin nito, kahit lagpas apat na oras na ang nasasayang sa akin, eh in reality aabot pa! Ito ang nagtulak sa akin na subukan muli dahil meron pang tsansa na umabot ako sa cut-off time na 9:58 PM. Maliit lang ang puwang na natitira, pero parang pwede pa. Less than 10 hours from Bangui to Clark, Pampanga na nasa 600 kilometers pa sa tantiya ko tapos kasama pa ang pagakyat ng bago. Ang naisip ko ay unang beses ko lang gagawin tong endurance run na ito, so bakit hindi ko pa ibigay ang lahat.


From Laoag Checkpoint abot pa ba?

Nakakatuwa at umabot ako ng Laoag checkpoint kahit after lunch na. Nakakatuwa din at dito ako tumigil at hindi naghanap ng hotel na matutuluyan para umuwing bigo kinabukasan. Na-meet ko pa ang kaibigan ko na si Rudys Farinas, anak ni Cong. Farinas ng Laoag, Ilocos Norte sayang lang at di man lang kami nakapagpapicture dahil sa pagmamadali ko. Sabi dun sa awarding, dito ang may pinakamasarap na pagkain na checkpoint pero dahil sa pagmamadali, nagpastamp lang ako sa marshall tapos umalis na. Next checkpoint is in Vigan, at 82 kilometers ang layo nito kaya sabi ko raratratin ko na ito para makabawi ng oras. Narating ko ito in 1 hr and 15 mins, pasok pa sa budget ko na oras. Nakakapagod na dahil pagkatapos ng napakalakas na ulan, ngayon naman malayo na sa dagat at tanghaling tapat na kaya’t napakainit. Kasama ito sa sakripisyo ko para ma achieve ang gusto kong makuha. Sa Vigan, dahil sa pagmamadali kinailangan ko mag multi tasking. Habang nilapitan ako ng marshall na magtatatak ng rider’s passport ko, iniwan ko naman sa gas boy yung motor para ma lagyan na niya ng gasolina habang nasa CR ako. Sinakto ko lang ang pagpapagas ng 400 pesos para wala nang butal at madali makaalis. Naabutan ko na dito sa Vigan checkpoint yung mga malalaking motor na nakita ko paglabas ng restaurant kanina sa Laoag. Wala na ako luxury magpahinga dahil kahit itong mga malalaking motor e sakto nalang sa oras, e di lalo na ako na 650cc nalang ang dala at aakyat pa sa Baguio. Malayo ang next stretch dahil 150 kilometers ang Vigan to San Fernando, La Union. Dahil gipit sa oras, kinaya ko ito ng wala na namang pahinga at ang pace ko ay di na dapat bababa sa 70 kph, kasama na ang trapik sa mga bayan bayan. Dito na ako nakaramdam ng pagod dahil simula Ilocos Norte pa ako di tumitigil para magpahinga. Pangatlong probinsiya na ito na diniretso ko, grabeng sakripisyo naman ito dahil lagpas 30 hours na rin akong gising. From this checkpoint, ang susunod ay sa Baguio City naman pero kailangang dumaan ng Naguilian road. Pasado alas singko na pero kapag nakuha ko ng mabilisan paakyat ng Baguio, baka umabot pa ako. Dito na nagsimula ang panibagong kalbaryo. Parang kaya naman ng average pace ko paakyat ng Baguio na pasok pa sa oras pero maggagabi na. Dito ang pinakamahirap dahil zero visibility na. Yung nakainstall ko na LED auxiliary lights eh tumatalbog lang sa kapag ng fog kaya wala na rin itong silbi. Ang nakikita ko nalang ay ang mga guhit ng kalye sa harap na mismo ng gulong ko sa harap. Nagmomoist na rin ang helmet ko dahil sa lamig. Ang mahirap dito pakurbada na pataas at pababa pa talaga. Kelangan talaga experienced rider ka dito dahil delikado at mahihirapan ang mga baguhan. Umabot ako ng 1 hr and 30 mins paakyat ng Baguio tapos pagdating sa city proper naligaw pa ako sa mga eskinita dahil di ako familiar sa Petron Marcos Hi-way o Naguilian. Pagdating sa Baguio checkpoint nanginginig na ako sa gutom. Huling kain ko lunch time pa kahit babad na babad ako sa init at lamig at halos 500 kilometers na tinatakbo ko. Buti nalang may nakita pa ako dalawang natitirang pandesal na baon ko. From Baguio, may choice na mag Marcos Hi-way o Kennon Road. Sobrang delikado ang Kennon road dahil kadalasan may landslide at mahirap mag overtake dahil tig isang lane lang at pa zigzag ang daan. Pinili ko ang Kennon Road dahil mas kabisado ko ito. Yung 30 kilometers na pababa niya ay nakuha ko ng isang oras dahil sobrang trapik pababa. Pagdating ko sa National highway para na akong possessed dahil sobrang bilis ko na talaga dito para umabot sa Pangasinan checkpoint. Dumating ako sa Pangasinan checkpoint almost 8:30 PM na, di pa rin ako nagpahinga kahit bugbog na katawan ko sa pagod at puyat. Nagpastamp lang ako at na relieve ako ng makita ko na isa nalang ang kulang ko sa stamps – ang finish line. Sobrang motivated na ako nito although I knew I was cutting it close. 9:56 PM ako na flag-off sa Manila sa dapat bago mag 9:56 makarating ako. Parang possessed na naman ako, at mabuti nalang nakuha ko na ang second wind ko kaya alert na ako. Overtake sa tricycle, overtake sa mga bus, dapat bago mag 8:45 pm makapasok na ako ng TPLEX sa Urdaneta, Pangasinan. Ang iniisip ko pwede ako magbawi ng oras sa TPLEX at SCTEX dahil puro highway na naman iyon. Medyo naudlot ang plano ko dahil dahil sa fog, alikabok at ulan, ang dumi dumi na ng helmet ko kaya di ko na maaninag ng maayos kung ilaw ba ng lamp posts ang nakikita ko o ilaw ng mga kotse? Baka maaksidente pa ako kaya kahit na gustuhin ko man, di ako makatakbo ng sobrang tulin. Aabot pa ba ako? Medyo photofinish ata ako ah? Dumiretso nalang kaya ako ng uwi dahil nakakahiya kung pupunta ako sa finish line tapos ako lang ang hindi makakatapos, bale wala din? Madaming tanong na sumagi sa isipan ko pero nung dumating ako ng 9:30pm na sa SCTEX-Clark North exit, dito na ako naluwagan dahil ilang kilometro nalang ang layo nito sa finish line. Isa na namang aberya, nawala yung ibang riders na inabutan ko sa toll gate kaya di ko na ngayon alam ang papunta sa Hotel Stotsenberg kung nasaan ang finish line at ang pinakamimithi kong stage kung saan ako magiging opisyal na Ironman.

Upon reaching the finish line, napahinga ako ng malalim dahil pagkatapos ng 1286 kilometrong puno ng antok, pagod, malakas na ulan, nakakatakot na kurbada sa madulas na daan sa Nueva Vizcaya, rough roads in Cagayan, road repairs sa La Union, 30 kms of zero visibility fog in Naguilian, gutom, time pressure, 8 hours left at nasa Laoag pa lang, pagdadalawang isip kung tatapusin pa pero napagisipan kong mas magsisisi ako habambuhay kung di ko itutuloy. Preparation can only lead you so far, in the end it’s about pushing yourself. Finally, 2016 BOSS Ironman sakin ka na!

I can say that the Ironman has changed my life. Dito ko napatunayan na kapag may ginusto kang mithiin, makukuha mo ito kung pagpaplanuhan mo ng maigi at pagsisikapan mo. Salamat po sa lahat ng nag congratulate sa akin sa personal at sa social media. Pagkatapos ko ng Ironman Motorcycle Challenge, feeling ko nakumpleto ko na ang lahat. Really a triumph of an underdog – Ironman first timer, endurance first timer, no team, no group, no support vehicle, used a non-liter bike, a solo rider but still a finisher in what is arguably the most difficult and definitely the longest Ironman ever at 13 provinces and 1300 kilometers. Masasabi ko na well-deserved itong Ironman na ito dahil pwede ko ipagmalaki na pinaghirapan ko talaga ito.

null

My reaction after realizing that I made it after all. Pagkatapos ng lahat ng paghahanda at pagsasakripisyo, to finally be able to have my own moment on this stage is priceless. Ironman Motorcycle Challenge – The only one that matters.

So what’s next for me? The next challenge is to find another challenge now that I’ve ticked this off my bucket list. I will be a rider until I no longer can.

Live Free…

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *